Sakaling magtagumpay sa 2022 Elections, ay may nakalatag na si Partido Reporma Chairman at presidential bet Senator Panfilo “Ping” Lacson ng mga solusyon na doable para sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Pangunahing binanggit ni Lacson ang muling pagbisita sa mga revenue laws at pagtuklas ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.
Ayon kay Lacson, isa sa mga opsyon ang muling pag-aaral ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law para suspendihin ang pagpapatupad ng pagtaas ng excise tax sa gasolina, sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Diin ni Lacson, malaking tulong sa mga motorista at iba pa na ang kabuhayan ay nakasalalay sa presyo ng langis ang pagsuspinde sa rate ng buwis.
Ang pangalawang option naman na tinukoy ni Lacson ay ang paggalugad sa mga alternatibong pinagmumulan ng enerhiya.
Kabilang sa binanggit ni Lacson ang joint exploration sa ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea (WPS) sa tulong ng ibang mga bansa dahil kulang ang mga kagamitan ng Pilipinas para gawin ito nang mag-isa.
Paglilinaw ni Senador, ito ay hangga’t ang dayuhang kasosyo ay sumusunod sa ating Konstitusyon na ang Pilipinas ay may hindi bababa sa 60-porsiyento na equity.
Binanggit ni Lacson na ang iba pang solusyon ay maaaring mangailangan ng higit pang pag-aaral, kabilang ang pag-regulate sa industriya ng langis dahil maaaring kulang sa pondo ang gobyerno para ma-subsidize ang presyo ng gasolina.