Umaapela ang ilang sektor sa Philippine Red Cross (PRC) na huwag masyadong gipitin ang gobyerno sa ginagawa nitong paniningil kaugnay ng mga isinagawang swab test.
Ayon kay Atty. Larry Gadon, hindi naman daw makatarungan ang gagawin ng Philippine Red Cross na itigil ang ginagawa nitong pagsusuri sa mga taong sumailalim sa swab test gamit ang kanilang Molecular Laboratories.
Sa ganitong panahon na nasa ilalim ng pandemya ang bansa, dapat din daw unawain ng Philippine Red Cross ang kalagayan ng pamahalaan lalo pa at namomroblema ang gobyerno kung saan kukuha ng dagdag na pondo para tustusan ang maraming pangangailangan ng sambayanan.
Sinabi ni Gadon, maaari namang maningil ang Red Cross sa pamahalaan subalit hindi naman daw sa paraang binabraso nito kapalit ng pananakot na hindi na sila magsasagawa ng pagsusuri sa mga Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test na ginagawa ng gobyerno.
Marami rin naman umanong donasyon na natatanggap ang Red Cross kung kaya’t kaya naman nitong abonohan at gastusan ang pagsusuri sa mga swab test.
Panawagan ni Gadon, habaan pa sana ng ahensya ang kanilang pasensya dahil nangako naman si Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran nito ang obligasyon ng pamahalaan.
Matatandaan noong nakaraang linggo ay itinigil na ng PRC ang pagsusuri sa mga swab test na ginagawa ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil lomobo na sa mahigit 930 million pesos ang hindi nababayarang bill ng pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).