Makikipagtulungan ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng “No Vaccination, No Ride” policy sa Metro Manila at ibang lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, simula ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, mas maraming pulis ang tutulong sa pagpapatupad ng polisiya.
Magpapakalat anya sila ng mga tauhan sa mga bus stop at terminal ng mga passenger utility vehicle at magsasagawa rin ng random check sa mga border control point upang masiguro na nasusunod ang health protocol.
Matatandaang batay sa kautusan na inisyu ng Department of Transportation (DOTr) na “No Vaccination, No Ride” policy, makakatuwang nila ang attached agency na Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), Highway Patrol Group (HPG) ng PNP at mga Local Government Unit (LGU).
Ayon naman kay PNP Spokesperson Police Col. Roderick Alba na bukod sa mga terminal ay magiging aktibo rin ang mga pulis sa pagbabantay sa ibang matataong lugar.