NBI, napigilan ang pagtakas ng hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa

1021
Photo Courtesy: National Bureau of Investigation

Napigilan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tangkang pagtakas ng hinihinalang drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa at dalawang iba pa.

Ayon kay NBI OIC-Director Eric Distor, ang mabilisang aksyon ng kaniyang mga tauhan ang naging dahilan kung bakit napigilan ang plano ni Espinosa na tumakas sa detention center ng NBI.

Sinabi pa ni Distor na noong Enero 13, 2022, nakatanggap ng impormasyon ang Security Management Section ng bureau tungkol sa planong pagtakas ni Espinosa at dalawang bilanggo sa pamamagitan ng butas ng exhaust fan sa kisame.


Kaya aniya ng gabi ring iyon ay nagsagawa ng inspection sa piitan ang mga agent at isa sa mga selda ng detention center ng NBI ay nakitaan ng sirang exhaust fan at nang tanggalin ay nalantad ang butas na maaaring daanan ng tao.

Dahil dito, sinabi ni Distor na nagpatupad nang mas mahigpit seguridad ang bureau at nagsasagawa na rin ng regular na inspeksiyon.

Facebook Comments