Nagpasalamat si Partido Reporma standard bearer Senador Ping Lacson kay Manila Mayor Isko Moreno sa pahayag nitong itatalaga siya nitong ‘anti-corruption czar’ sakaling si Moreno ang manalo bilang susunod na pangulo ng bansa.
Ayon kay Lacson, nagpapasalamat siya na kinikilala ng alkalde ang kanyang kakayahan na matugunan ang korapsyon sa pamahalaan.
Gayunpaman, binigyang diin ng senador na nasa intensyon din niyang manalo bilang presidente ng Pilipinas.
Una rito ay natanong si Moreno kung sino sa mga presidential candidate ang maaaring maging bahagi ng kanyang administrasyon sakaling siya ang palarin na maging pangulo ng bansa.
Bilang tugon, sinabi ni Moreno na malaking asset ng bansa si Lacson at mayroon itong mga skill set na makakatulong sa pagsugpo ng korapsyon.
Nang ibalik naman kay Lacson ang tanong kung bibigyan niya ba ng posisyon sa kanyang administrasyon si Moreno sakaling siya ang Manalo, sinabi ng senador na pag-uusapan pa nila ng ka-tandem niyang si Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung sinu-sino ang itatalaga sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Sa ngayon aniya ay nakatutok sila sa pagpapaliwanag sa taumbayan ng kanilang mga plataporma bukod pa rito ang panawagang maging mapanuri at huwag maghalal ng mga magnanakaw sa gobyerno sa darating na halalan.