BULACAN – Dinakip ang deputy chief ng Norzagaray Police matapos umano nitong gawing personal driver ang isa sa kanilang preso.
Kinilala ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), ang inarestong pulis na si Captain Wilfredo Dizon Jr.
Hinuli rin ng operatiba ang bilanggo na si Resty Cabangan, 49, residente ng Sapang Palay sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Sa isinagawang operasyon noong Sabado, huli sa aktong nakasakay si Dizon sa isang Toyota Hi-Ace na minamaneho ng preso.
Nasakote sila ng mga otoridad sa harap mismo ng Norzagaray Police Station, pasado alas-3 ng hapon.
Nakakulong sa nasabing himpilan si Cabangan dahil sa kasong serious physical injuries.
Inaalam ngayon ng pulisya kung ilang beses ipinagmaneho ng bilanggo ang arestadong hepe.
Ayon kay PNP-IMEG Chief Col. Ronald Lee, gross violation ng procedures ang ginawa ng hepe na puwedeng masibak sa serbisyo.
Mahaharap si Dizon sa reklamong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 156 ng Revised Penal Code o delivery of prisoners from jails at direct bribery.