Preso sa US na may COVID-19, sawi matapos magsilang ng sanggol

Sawi ang isang preso mula Texas, US matapos itong magsilang ng sanggol sa ceasarean section habang mayroong coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ibinalita ng US Bureau of Prisons noong Martes na namatay ang 30-anyos na si Andrea Circle Bear habang nanganganak sa isang ospital sa Texas, isang buwan matapos siya huling naisugod dito.

Pinaniniwalaang si Circle Bear ang kauna-unahang babaeng preso na nasawi dahil sa COVID-19.


Samantala, mahigit 1,700 preso ang nagpositibo sa coronavirus habang 400 naman ang nakarekober.

Kaugnay ng pangyayari, ang pagkamatay ni Circle Bear ay kinukuwestyon ng mga kaanak laban sa Justice Department at Bureau of Prisons dahil sa pagpapalabas sa low-risk inmates noong kumalat ang COVID-19.

Nagkaroon daw kasi ng papalit-palit na pamantayan ang naturang bilangguan sa pagpapalabas sa mga preso sa gitna ng pandemic.

Kahit na buntis ay hindi raw pinayagang makalabas si Circle Bear.

Marso 20 nang mailipat ito mula kulungan sa South Dakota patungong Federal Medical Center Carswell sa Fort Worth, Texas at sumailalim sa quarantine.

Naisugod ito sa ospital dahil sa ilang mga alalahanin tungkol sa kanyang pagdadalantao ngunit ibinalik din sa bilangguan noong kaparehong araw.

Makalipas ang tatlong araw ay nakaramdam na umano ng sintomas gaya ng lagnat at ubo si Circle Bear at ibinalik sa ospital para gamutin.

Kaparehong araw nang lagyan ito ng ventilator at kinabukasan ay nagsilang ito ng sanggol.

Nagpositibo ito sa COVID-19 noong Abril 4 at nasawi noong Martes.

Samantala, nakulong si Circle Bear noong Enero matapos mapatunayang guilty dahil sa kaso tungkol sa droga.

Facebook Comments