Presyo ng baboy, posibleng bumaba dahil sa pagbabawas ng taripa sa imported pork

Inaasahan na bababa sa P222 hanggang P215 ang presyo ng kada kilo ng karneng baboy.

Sa joint committee hearing ng House Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Asec. Mercedita Sombilla na dahil sa pagbaba ng taripa ng imported pork sa 5% hanggang 10% ay papalo na lamang sa P215 hanggang P222 kada kilo ang presyo ng baboy sa palengke.

Iginiit ni Sombilla na kailangang bawasan ang taripa sa imported na karneng baboy dahil hindi makakamit ang pagbaba ng presyo kung hindi naman bababaan ang ipinapataw na buwis.


Paliwanag pa ng opisyal, kung mananatili sa 30% hanggang 40% ang taripa sa imported na karne ay aabot naman sa P256 hanggang P277 ang kada kilo ng baboy na mahal pa rin para sa mga mamimili.

Bukod dito, kailangang maibaba ang taripa dahil ang programa para sa pagtaas ng produksyon tulad ng repopulation ng baboy ay umaabot o tatagal pa ng tatlo hanggang apat na buwan.

Dagdag pa ni Sombilla, kahit aabot sa P13.5 billion ang mawawalang kita dahil sa pagbabawas ng taripa, kung susuriin naman ang consumer expense ay makakatipid ang publiko ng P61 billion sa pagbaba ng presyo ng karneng baboy.

Panahon na aniya rin para maibaba ang presyo ng karneng baboy dahil sa napakataas ng kontribusyon ng karne sa pagtaas ng inflation na siyang pahirap naman sa mga consumers.

Facebook Comments