Pinakikilos ni Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang pamahalaan para hindi maka-apekto sa food security ng Pilipinas ang pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan.
Tinukoy ni Pangilinan na ang global rice prices ay tumaas ng 25% hanggang 30% mula buwan ng Enero habang tumaas din ang presyo ng pagkain nang 3.4 % kabilang ang isda, prutas, at gulay.
Ayon kay Pangilinan, kung tataas din ang presyo ng bigas sa bansa ay lalong madadagdagan ang kalbaryo ngayon ng mamamayang Pilipino na nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Punto pa ni Pangilinan, napaka-kritikal na tugunan ngayon ang issue ng food security dahil hindi lang pandemya ang kinakaharap natin, kundi meron ding Taal eruption, African Swine Flu, at Typhoon AMBO.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi naman ni Department of Agriculture Secretary William Dar na mayroon pang 60 araw na buffer stock ng bigas ang bansa.
Ayon kay Dar, ang pang-8 araw na imbentaryo ay imbak ng National Food Authority (NFA), ang pang-30 araw ay nasa mga household at ang pang-22 araw ay sa mga pamilihan.
Binanggit pa ni Dar na hindi kakapusin ang bansa dahil nangako ang Vietnam na patuloy silang magbebenta sa atin ng bigas.