
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng ASEAN na huwag pabayaan ang Myanmar at patuloy na tulungan ang mga mamamayang apektado ng krisis sa bansa.
Sa kaniyang talumpati sa ASEAN Summit Retreat sa Coconut Palace, sinabi ng pangulo na bahagi ng pamilya ng ASEAN ang Myanmar kaya dapat itong tulungan.
Umaasa siyang magkakaroon ng konkretong hakbang para matulungan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan at maibalik ang kapayapaan sa bansa.
Samantala, iginiit din ng pangulo na usapin din ng seguridad ang suplay ng enerhiya.
Paliwanag niya, kapag tumataas ang presyo ng langis at kuryente, tumataas din ang presyo ng mga bilihin at gastos ng mga negosyo.
Kaugnay nito, hinimok ng pangulo ang mga bansa sa ASEAN na palakasin ang suplay ng enerhiya at maghanap ng iba pang mapagkukunan nito.










