
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider at mambabatas ng ASEAN na magtulungan sa paggawa ng mga batas para sa seguridad sa enerhiya at pagkain, at iba pang mahahalagang usapin sa rehiyon.
Ito ang mensahe ng pangulo sa pakikipagpulong ng mga lider ng ASEAN sa mga kinatawan ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly o AIPA.
Sa kaniyang opening statement, sinabi ng pangulo na hindi kayang lutasin ng iisang bansa lamang ang mga problemang kinakaharap ng rehiyon.
Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga mambabatas sa paggawa ng mga batas na kakailanganin ng ASEAN sa susunod na 20 taon.
Kabilang sa mga dapat tutukan ang seguridad sa enerhiya at pagkain, online scams, transnational crimes, climate change, mga banta ng kalamidad at proteksyon sa mga migrant worker.
Ayon sa pangulo, nakasalalay sa mga batas ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa, pamilya, negosyo, kabataan at komunidad.
Kaya hinikayat niya ang mga pamahalaan at parliamento ng ASEAN na magkaisa upang matiyak na magkakatugma ang kanilang mga batas at hakbang para sa buong rehiyon.










