
Isang araw bago ang Valentine’s Day, tumaas na ang presyo ng ilang bulaklak sa Dangwa Flower Market sa Maynila.
Ang kada piraso ng Rosas ay nasa P200 na, habang ang Tulip ay nasa P150.
Ang Stargazer naman ay nasa P250, at kada piraso ng sunflower ay P150.
Nasa P1,500 na ang kada isang bundle ng Rosas; habang P250 pa rin ang Carnation at P300 ang bawat 10 piraso ng Daisy.
Pumapalo na sa P1,500 hanggang P2,500 ang isang bouquet ng Rosas pero depende pa rin ito sa disenyo.
Ang mga assorted flower naman ay pumapalo sa P800 – P1,000 kung saan ang mga personalized na order ng bulaklak ay umaabot ng P1,000 – P2,500 ang kada set.
Patuloy naman ang pagdagsa ng mga namimili ng bulaklak kung kaya’t dinoble ng Manila Police District (MPD) ang pagbabantay habang nagtutulong-tulong ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at barangay sa pagmamando ng trapiko.