Aalamin ng House Committee on Health ang tunay na presyo ng COVID-19 vaccines at availability ng bakuna sa isasagawang pagdinig ng Kamara kaugnay sa vaccination plan ng pamahalaan.
Kaugnay ito sa ilang ulat na lumabas na mas mura ang presyo ng Sinovac COVID-19 vaccine sa Indonesia kumpara sa lumalabas na presyo dito sa Pilipinas.
Ayon kay Health Committee Chairman Angelina ‘Helen’ Tan, aalamin nila sa komite kung makakapili ba ang publiko ng nais na brand ng bakuna at kung magkano ito sakali mang bibili ng sariling vaccine.
Gayunman, ang pagdinig para sa presyo ng COVID-19 vaccines ay isasagawa sa isang executive session.
Paliwanag dito ng mga opisyal, sakop kasi sila ng confidentiality agreement ng mga manufacturers sa mga bibilhing bakuna.
Itinakda ang pagdinig ngayong araw para tiyakin na ang multi-bilyong pisong pondo para sa COVID-19 vaccine ay magagamit para sa pagbili ng pinaka-epektibo at pinakaligtas na bakuna laban sa virus.
Kabilang naman sa mga ipinatawag sa pagdinig sina Health Secretary Francisco Duque III, National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., at ilan sa mga health experts mula public at private sectors.