Presyo ng itlog, nanatiling mas mababa sa mga Kadiwa Store

Nananatiling mas mura ang bentahan ng itlog sa mga Kadiwa Store habang tumataas ang presyo nito sa mga pamilihan.

Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa ADC Kadiwa Store, naglalaro lang sa P7.80 ang kada piraso ng medium size na itlog o katumbas ng P235 kada tray habang nasa P250 naman kung extra-large ang bibilhin.

Mas mababa ito kung ihahambing sa P8.50 na presyo ng medium size na itlog o P255 na kada tray sa ilang pamilihan.


Nauna rito, sinabi ng Philippine Egg Board na matatagalan pa bago bumaba ang presyo ng itlog sa mga pamilihan dahil sa ilang factors gaya ng pagtaas ng kuryente at feeds para sa mga manok.

Ayon sa mga nagtitinda ng itlog sa Kadiwa, tumaas ang halaga ng feeds sa farm na pinagkukunan nila ng suplay pero hindi naman aniya ito nagtaas ng puhunan.

Wala rin aniyang problema sa suplay ng itlog sa ADC Kadiwa Store.

Bukod sa itlog, nananatiling mura din o nasa P170 ang kada kilo ng sibuyas na available na sa Kadiwa Store.

Katunayan, nasa 140 sako ng tig-25 kilong pula at puting sibuyas ang ibinagsak ngayong araw sa ADC Kadiwa Store.

Facebook Comments