Kasabay ng paglalabas ng Department of Agriculture (DA) ng bagong Suggested Retail Price (SRP) para sa pork meat products ay nanatiling mataas ang presyo ng mga ito sa mga pamilihan.
Sa inilabas na Administrative Circular No. 14 Series of 2020 ni Agriculture Secretary William Dar, ang SRP sa liempo ay ginawa nang P280/kg mula sa dating P250/kilo at ang kasim ay P260/kg mula sa dating P230/kilo.
Sa monitoring ng DA sa Commonwealth Market, lagpas pa sa SRP ang presyo ng karne ng baboy na naglalaro mula P300 hanggang P320 ang kada kilo ng liempo habang P280 naman ang kasim.
Sa Mega Q-Mart, nasa P340 per kilo ang presyo ng liempo at P290 per kilo ang kasim.
Ayon sa ilang tindera ng Q-Mart, ang kawalan ng maayos na supply ng karneng baboy ang dahilan ng pagtaas ng presyo nito.
Wala kasing makunan ng supply ng baboy matapos ang pananalasa ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.