Pinaaalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga online seller na dapat idinedeklara nila ang presyo ng mga ibinebentang produkto at hindi idinadaan sa private message ng potensyal na kostumer.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, maituturing na profiteering ang naturang kalakaran batay sa regulasyon ng Republic Act No. 7581 o Price Act.
“May specific provision doon na magiging profiteering siya kung ang produkto ay walang nakakabit na price tag. Hindi puwede ‘yong PM, they’ll send you a private message or text or whatever means. It’s a violation of the Price Act,” anang Castelo sa isang panayam.
Pagpapatuloy niya, posibleng dahil sa matinding kompetisyon o takot na madiskubreng peke ang paninda kaya maglagay ng presyo ng ilang online seller.
Maliban sa Price Act, nakasaad din sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines na labag sa batas ang pagbebenta ng kahit anong produkto na walang karampatang price tag, label, o marking ng presyo.
Para sa mga consumer na may reklamo sa kanilang nabili o delivery, maaring makipag-ugnayan sa DTI hotline 1384.