PRESYO NG SIBUYAS, BUMAGSAK SA DAGUPAN CITY PUBLIC MARKET

Bumagsak ngayong linggo ang presyo ng pulang sibuyas sa Dagupan City Public Market, at inaasahang mananatiling mababa ang halaga nito hanggang buwan ng Mayo.

Ayon kay Aling Lema, isang tindera, panahon ngayon ng pag-aani kaya dumami ang suplay sa merkado dahilan upang bumaba ang presyo.

Gayunman, aminado siyang nagiging hamon ang pagbebenta dahil sa dami ng kailangang maibentang sibuyas.

Sa kasalukuyan, nasa ₱80 hanggang ₱100 kada kilo ang bentahan ng maliit at malaking pulang sibuyas.

Samantala, nabibili naman ito ng mga manlalako sa presyong ₱40 hanggang ₱50 kada kilo mula sa mga bagsakan sa Urdaneta City at Bayambang.

Kung ikukumpara noong Nobyembre at Disyembre, mas mataas umano ang presyo noon dahil kakaunti ang suplay sa mga bodega.

Sa kabila ng hamon sa mga manlalako, inaasahang makikinabang ang mga mamimili sa patuloy na mababang presyo ng sibuyas sa mga susunod na buwan.

Facebook Comments