ALAMINOS CITY, PANGASINAN – Pasado ala una na ng madaling araw nang maitawag sa Bureau of Fire Protection ang nangyaring sunog sa isang pribadong palengke sa lungsod ng Alaminos kahapon, ika-lima ng Oktubre.
Ayon sa panayam ng iFM Dagupan kay S/Insp. Richard Santillan, City Fire Marshall ng BFP Alaminos, itinaas umano agad sa ika-apat na alarma ang sunog upang mas makarating sa mga karatig lugar na kailangan ng tulong mula sa mga kalapit BFP para maapula ang sunog.
Ayon pa sa kanya tinatayang nasa 600 na stalls o pwesto sa naturang palengke ang nasa records ng LGU kung saan aniya, halos kalahati ng palengke ang agad na naisalba at naapula ng mga rumespondeng bumbero na umabot naman sa 10 firetrucks mula pa sa kalapit bayan.
Bahagya umanong nahirapan ang pag-apula sa sunog dahil sa mga plastik na grocery at may panindang mga langis dahilan para mabilis na kumalat ang apoy sa palengke kung saan inaalam pa din hanggang sa ngayon ang danyos na natupok sa pamilihan.
Inabot naman ng apat na oras ang pag apula sa sunog at idineklarang fire out pasado alas singko ng umaga.
Wala namang naitalang casualty o sugatan sa pangyayari ngunit sa ngayon wala pang pinal na kasagutan sa pinagmulan ng sunog, dahil nag-uumpisa palang umano sila sa kanilang imbestigasyon ngunit hindi naman inaalis ang anggulong aksidente o may ilang nag short na wire sa lugar.
Magpapatuloy naman ang imbestigasyon ngayong araw at inaasahang malalaman na ang pinagmulan ng naturang sunog.