Pormal nang sinampahan ng kaso ang miyembro ng LGBTQIA+ na inaresto noong Biyernes, Hunyo 26, 2020 ng mga tauhan ng District Mobile Force at Police Station 8 sa Mendiola.
Ayon sa Manila Police District (MPD), isinalang na sa inquest proceedings sa Manila Prosecutors Office ang tinaguriang “Pride 20”.
Nahaharap sila sa paglabag sa BP 880 at Republic Act 11332 dahil sa pagsasagawa ng assembly sa Mendiola sa gitna ng pinaiiral na community quarantine bukod sa wala silang permit nang magsagawa ng rally.
Dahil sa nasabing insidente, ilang sektor kabilang ang Metro Manila Pride ang nagpa-abot ng pagkondena sa ginawang pag-aresto sa mga LGBTQ na miyembro ng Bahaghari, Sanlahi, Gabriela.
Pero, iginiit ng MPD na hindi dapat nila aarestuhin ang mga LGBTQ kung saan kakausapin sana sila nang maayos pero isang miyembro ang nag-spray umano sa mga pulis, kaya’t nagkaroon ng komosyon kung saan napilitan ang mga awtoridad na dalhin sila sa MPD headquarters.
Balak naman ng Pride 20 na maghain ng kontra demanda laban sa mga umarestong mga pulis dahil iginigiit nila na wala silang nilabag na batas.
Umaasa rin ang kampo ng Pride 20 na maglalabas ng resolusyon ang piskalya sa reklamo para makapagpiyansa na ang grupo kung saan nakatakdang dinggin ang reklamo laban sa mga aktibista bukas.