
Pormal nang sinampahan ng reklamo sa Office of the President ang PrimeWater Infrastructure Corporation na pag-aari ng mga Villar, dahil sa mga problema sa serbisyo ng kompanya.
Pinangunahan ng Bayan Muna Party-list, San Jose del Monte Consumers, at Bacolod City Water District ang pagsasampa ng complaint sa Malacañang ngayong araw.
Panawagan ng mga complainant kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad kanselahin ang lahat ng joint venture agreements ng kompanya sa mga local water district ng pamahalaan, hindi lamang sa Bulacan kundi pati sa iba pang lugar sa bansa dahil sa ilang mga reklamo ng consumer at maging ng empleyado nito.
Nakasaad din sa reklamo ang napakahabang water interruption, mababang kalidad, at may discoloration sa isinusuplay nitong tubig na pinangangambahang hindi ligtas gamitin ng consumer, bukod pa ang mataas na singil sa kabila ng hindi magandang serbisyo.
Matatandaang nauna nang binanggit ng Palasyo na bukod sa San Jose del Monte Bulacan at Bacolod, apektado rin ng pangit na serbisyo ng Laguna, Pangasinan at Bohol.









