Pinabubuwag na ni Senator JV Ejercito ang mga private army sa buong bansa.
Kaugnay pa rin ito sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo kung saan duda ang senador dahil ang mga suspek sa pagpatay sa gobernador ay gumamit ng hindi basta-basta at malalakas na uri ng armas at sumailalim sa advanced combat training.
Sa paraan aniya ng pagpaslang sa opisyal ay mukhang pinondohan din ng husto.
Partikular na hinihimok ni Ejercito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) na kumilos at tuluyang lansagin na ang private armies.
Umaasa ang mambabatas na sa lawak ng deployment ng mga tropa ng PNP ay agad na madadakip ang mga suspek sa nangyaring karahasan.
Pero mas mainam aniya kung ang kasong ito ay mauuwi na sa tuluyang pagbuwag sa private armies na karaniwan o talamak lalo sa mga lalawigan na mainit ang usaping pulitika.