*Cauayan City, Isabela*-Handang-handa na simula pa kahapon ang Probinsya ng Cagayan sa inaasahang paglandfall ng Bagyong Ramon sa probinsya sa darating na linggo ng gabi batay sa pinakahuling track ng pagasa.
Ayon kay Ginoong Ramil Tuppil ng PAGASA Echague, landfall ng bagyo sa Bayan ng Sta. Ana pero posible pang magbago ito depende sa tatahakin ng bagyo.
Ayon naman kay Ginoong Rogie Sending, Provincial Information Officer ng Cagayan, may 14 apat ng pamilya o katumbas na 63 na katao ang inilikas sa Bayan ng Sta. Praxedes dahil sa posibleng epekto ng bagyo.
Dagdag pa ni Ginoong Sending na hindi pa gaanong ramdam sa buong probinsya ang epekto ng bagyo dahil panaka-panakang pag uulan ang kanilang nararanasan.
Handa na rin ang ilang command post sa tanggapan ng PDRRMC sa Tuguegarao City at Sub-Capitol sa Bayan ng Lallo, Cagayan.
Hindi naman nagdeklara ng walang pasok ang Probinsya ng Cagayan dahil hindi pa umano ramdam ang nasabing bagyo.
Samantala, nakahanda na rin ang mga kagamitan ng Bayan ng Palanan sa Isabela upang magamit ng mga residente sakaling manalasa ang bagyo.
Inani na ng mga magsasaka sa Isabela ang kanilang mga pananim na palay bago pa ang pagtama ng baguo.
Sa ngayon ay wala pang mga residente ang kanilang inilikas kaugnay sa banta ng bagyo.
Inalerto na ang lahat ng tanggapan ng gobyerno maging ang kapulisan upang magbigay ng tulong sa posibleng biktima ng bagyo