Probinsya ng Kalinga, naka-Heightened Red Alert Status dahil sa COVID-19

Cauayan City, Isabela-Umaabot na sa 341 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Kalinga batay sa inilabas na datos ng Provincial Health Office ngayong araw.

Naitala rin sa loob ng isang araw ang 108 na kumpirmadong tinamaan ng virus at may pinakamataas na bilang ang Tabuk City na nasa kabuuang 163, sinundan ng bayan ng Balbalan na may 64; at Tanudan na may 33.

Ayon pa sa report, naitala ang tatlong binawian ng buhay dahil sa COVID-19 mula sa Tabuk City at Balbalan.


Kaugnay nito, pumalo naman sa 647 ang naitalang nakarekober na sa naturang sakit habang nasa 986 ang naitalang cumulative confirmed cases.

Samantala, nagpalabas naman ng kautusan si Tabuk City Mayor Darwin Estrañero na layong tumukoy ng establisyimento para sa quarantine checkpoint at masigurong maidodokumento ang mga taong papasok ng lungsod na madadaanan ang ilang bayan ng Tinglayan,Lubuagan, Pasil at Balbalan.

Sa isang panayam, sinabi naman ni Dionica Alyssa Mercado, PIO III ng Kalinga Province ang planong pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilang bayan ng probinsya maliban sa Pinukpuk dahil ito sa mataas na mga bilang ng tinamaan ng virus.

Iginiit din ni Mercado na nasa ‘heightened red alert status’ na ang probinsya dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Handa naman aniya ang probinsya na tugunan ang pangangailangan ng mga tao sakaling maisapinal na ang pagsasailalim sa ECQ.

Facebook Comments