Cauayan City, Isabela- Tatlong bahay ang tinupok ng apoy matapos sumiklab ang sunog mag-a-alas-tres ng hapon kahapon sa Mabini St. Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay FCInsp. Aristotle Atal, fire marshal ng BFP-Cauayan City, may kalumaan na rin umano ang bahay na gawa sa light material kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy sa paligid nito.
Ayon sa kanya, umabot sa second alarm ang nangyaring sunog kaya’t kailangan ang tulong ng mga BFP mula sa mga kalapit na bayan ng Reina Mercedes at Luna maging ang ilang volunteer fire brigade ay tumugon na rin sa naganap na sunog kahapon.
Bukod dito, inaalam naman ng pamunuan ng BFP Cauayan kung mayroong business permit ang bahay dahil may bahagi dito na paupahan.
Bandang alas-4:00 ng hapon ng tuluyang makontrol ang sitwasyon ng sunog sa lugar, ibig sabihin hindi na kakalat pa ang apoy bagama’t pasado alas-5:00 ng hapon na magdeklarang fire out.
Batay sa pakikipag-ugnayan ng BFP sa mga may-ari ng katabing bahay, may narinig umano ang mga ito na pagputok sa mga wiring sa loob na pinaniniwalaang nagmula sa paupahan sa itaas na bahagi nito.
Samantala, inaalam pa sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsala sa nangyaring sunog.