Nananatili at malaking problema pa rin ang paghihiwalay ng solid waste ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa maling pangangasiwa ng waste segregation sa local level sa bansa.
Ayon kay DENR acting Secretary Jim Sampulna, sa kabila ng pagsasabatas ng Republic Act (RA) 9003 o Ecological Solid Waste Management of 2000 na nagmamandato sa segregation sa barangay level, ilang Local Government Units (LGUs) ang hindi istriktong nagpapatupad nito.
Ani Sampulna, ang trabaho lang ng gobyerno ay magkaloob ng technical assistance, capability support, at information dissemination patungkol sa environmental laws.
Ang responsibilidad aniya ng solid waste management ay nasa kamay ng LGUs.
Ani Sampulna, dapat pagplanuhang maigi ng LGUs at paglaanan ng sapat na pondo ang pagkuha ng maayos na waste collection service providers.
Sa pagsasara ng DENR ng lahat ng 335 open dumpsites sa bansa, kinakailangan ng LGUs na magtayo ng sanitary landfill kapalit ng tapunan ng mga basura.