
Mas inilapit sa mga residente ng Barangay Lucao, Dagupan City ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng programang “Purok Kalusugan” na isinagawa sa Lucao Elementary School ngayong Martes, Pebrero 10.
Dinaluhan ito ng mga bata, matatanda, at senior citizens na nakinabang sa iba’t ibang serbisyong hatid ng Department of Health, katuwang ang City Health Office ng Dagupan City.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang fluoride application at lecture sa wastong pagsisipilyo at oral health, libreng bunot ng ngipin, free check-up, pamamahagi ng libreng gamot at multivitamins, at mga laboratory test gaya ng hemoglobin, FBS, cholesterol, at uric acid.
Nagkaroon din ng prenatal check-up, immunization para sa mga sanggol, deworming, at pamamahagi ng libreng oral health care kit para sa mga day care learners, habang isinagawa rin ang feeding program para sa mga dumalo.
Bukod sa serbisyong medikal, nagsagawa rin ng mga lecture ukol sa WASH o Water, Sanitation, and Hygiene upang mapalawak ang kaalaman ng komunidad sa tamang pangangalaga sa kalusugan.
Layunin ng programang Purok Kalusugan na masigurong abot at napapakinabangan ng mamamayan ang mga serbisyong pangkalusugan bilang bahagi ng pagsulong ng mas malusog na komunidad sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








