
Iginiit ng United Nations ang suporta nito sa karapatan ng mga bansa na malayang makapaglayag sa South China Sea, sa gitna ng hindi pa natatapos na usapan ng ASEAN at China tungkol sa Code of Conduct.
Sa ASEAN-UN Summit, pinuri ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang naging progreso ng negosasyon.
Umaasa rin siyang matatapos ang kasunduan sa pagitan ng ASEAN at China.
Hindi naman direktang sinagot ni Guterres kung ano ang maaaring gawin ng United Nations kung hindi kinikilala ng China ang ilang probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Gayunman, tiniyak niya na patuloy na ipagtatanggol ng UN ang karapatan ng mga bansa na malayang makapaglayag sa karagatan.
Magpapatuloy ang negosasyon sa susunod na taon sa ilalim ng pamumuno ng Singapore bilang ASEAN chair.










