Cauayan City, Isabela- Muling namahagi ng mga aklat ang kapulisan ng Cauayan City Police Station sa mga piling kabataan ng Barangay Alicaocao sa Lungsod ng Cauayan.
Katuwang ng PNP Cauayan sa pamimigay ng mga donasyong aklat ang Advocacy Support Group ng nasabing pulisya sa ilalim pa rin ito ng Project A.K.L.A.T o Adhikaing gabayan ang mga Kabataan at Linangin Ang kanilang kaisipan Tungo sa magandang kinabukasan.
Layunin ng proyektong ito na magbigay tulong sa mga batang walang maayos na edukasyon dulot ng kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Samantala, nagsagawa rin ng Lingkod Bayanihan at BARANGAYAnihan Program ang kapulisan ng PNP Cauayan sa parehong barangay sa pangunguna ni PLT Scarlette E Topinio, Information Officer at Chief PCAD ng nasabing istasyon kasama ang mga opisyal ng barangay.
Sa nasabing programa, nagkaroon ng feeding activity at pamamahagi ng mga food packs sa mga residente.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga nabigyang residente sa lugar dahil sila ay natulungan ng kapulisan ng Lungsod ng Cauayan.