Cauayan City, Isabela- Isa sa mga tinututukang aktibidad ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (1IPMFC) ay ang pagsasagawa ng kanilang “Project Bantay Salot”.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt.Col. Santos G. Tecbobolan Jr., Force Commander ng 1st IPMFC, maigting aniya ang kanilang pagsasagawa sa kanilang “Project Bantay Salot” upang mabantayan at mailayo ang mga kabataan laban sa mga makakaliwang grupo.
Nagtutungo at nagsasagawa aniya ng symposium ang kanilang himpilan sa mga Senior High school upang mabigyan ng impormasyon at maimulat sa mga mag-aaral kung ano ang taktika ng mga NPA upang makapanghikayat nang sa ganon ay maliwanagan at mailayo ang mga ito sa mga komunista.
Bumuo na rin sila ng opisyal ng KKDAT (Kabataan Kontra Droga at Terorismo) na magiging katuwang ng kapulisan sa pagbibigay ng impormasyon sakaling magkaroon ng problema o may mangyayaring kahina-hinala.
Dagdag pa ni PLt Col Tecbobolan Jr, magpapatuloy pa rin ang kanilang pagbisita sa mga paaralan upang mabantayan ng mabuti ang mga mag-aaral laban sa mga New People’s Army (NPA) maging sa mahigpit na pagbabantay sa kanilang nasasakupan.
Humihingi naman ito sa publiko ng suporta at kooperasyon upang tuluyan nang matapos ang insurhensya sa bansa.