*Cauayan City, Isabela*- Nakakamangha ang ginagawang pagtulong ng isang Cagayano sa mga batang walang kakayahang makabili ng mga gamit pang-eskwela kaya’t inilunsad nito ang ‘PROJECT LAPIS’ o Literacy Assistance Program for Indigenous Students na layong mapagkalooban ng mga pangunahing gamit sa eskwela ang mga katutubong Agta sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Ayon kay Herson Raquinio, batid nito na hindi madali ang kanyang ginagawa dahil isang karanasan aniya nito sa mga lugar na kanyang napupuntahan ay may presensya ng rebeldeng grupo na lubhang mapanganib para sa kanya pero nagpatuloy pa rin ito sa kanyang adhikain na mabigyan ng tulong ang mga katutubo sa ilalim ng kanyang proyekto.
Kaugnay nito, nakiisa din ang hanay ng kapulisan ng 203rd Maneuver Company sa pangunguna ni P/Capt. Jefferson Mukay at 202nd Manuever Company Commander P/Capt. Ricson Cabauatan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa paghahatid ng nasabing kagamitan sa mga batang Agta.
Ilan sa mga lugar na may mga katutubo sa Probinsya ng Cagayan ang kanilang nabigyan na ng paunang tulong na kinabibilangan ng Peñablanca, Pamplona, Guidam Abulug, Calassitan Sto. Niño, Ballani Sto Niño, Aridowen Sta Teresita, Lallo, Basao Gattaran
Bukod dito, nagbigay din ng libreng serbisyo publiko ang mga kapulisan ng mga pangunahing pangangailangan ng isang pamilya gaya ng grocery items, libreng gupit at bilang magigiting na pulis ay nagsasagawa rin ang mga ito ng pag aaral sa ilalim ng Project BATMAN (BARANGAY ANTI-TERRORISM MAPPING AWARENESS NETWORKING) at Project KAP (Kadwam Agiti Pulis).
Magpapatuloy naman aniya ang nasabing proyekto hindi lamang sa mga Agta maging sa mga batang higit na nangangarap na makapag-aral sa kabila ng salat sa buhay ang karamihan.