Cauayan City, Isabela- Pinangunahan ni PRO2 Regional Director Police Brigadier General Steve Ludan ang paglulunsad ng Project SHINE (𝐒ustaining 𝐇abitually the 𝐈CP towards 𝐍otable and 𝐄xcellent) Service sa PRO2 Grandstand kaninang umaga, Agosto 31.
Layunin ng proyekto na mapanatili ang PNP’s Intensified Cleanliness Policy (ICP) na flagship program ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar sa pagtiyak ng kalinisan sa lahat ng tanggapan ng pulisya, kalinisan sa mga miyembro ng pambansang pulisya at kalinisan sa komunidad.
Ayon kay PCol. Aden Lagradante, Chief of Regional Staff, hangarin ng proyekto na maitaguyod ang kagalang-galang na imahe ng mga PNP sa pamamagitan ng tamang pag-aayos sa sarili at ang pagsusuot ng malinis at presentableng uniporme at well-shined shoes.
Binigyang diin naman ni RD Ludan sa kanyang mensahe na ang proyekto ay maging daan sana para patuloy na paalalahanan ang Valley Cops upang matiyak na sumusunod sa polisiya ng PNP para mapanatili ang mahusay at disiplina ng organisasyon.