*Cauayan City, Isabela*- Bilang paghahanda sa pag iwas sa coronavirus disease (COVID-19) ay bumili na ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan ng ilang gamit gaya ng facemask.
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, namili na ang LGU ng 2,000 piraso ng facemask upang magamit ng publiko partikular ang mga atleta na kasama sa delegasyon ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA).
Tiniyak naman ng alkalde ang kahandaan ng city government laban sa banta ng COVID-19.
Sinabi pa ni Dy bumili na rin sila ng ‘Disinfectant Tent’ na gagamitin ng mga atleta sa tuwing magpapahinga pagkatapos ng bawat laro.
Ang disinfectant tent ang siyang magsisilbing wardrobe area ng mga atleta habang iispreyan ng pangontra sa kahit anong uri ng virus.
Maliban dito, kumuha na rin ng ‘Hazmat Suit’ ang LGU o isang uri ng protective gear na gagamitin ng publiko lalo na ang delegasyon ng CAVRAA.
Hihintayin na lamang ang isasagawang pinal na pagpupulong kaugnay sa pagdaraos ng CAVRAA at Gawagaway-yan Festival sa lungsod.