Proteksyon at ayuda sa mga guro at estudyante na mahahawa ng COVID-19, pinapatiyak ni Senator Pangilinan

Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Education o DepEd na tiyakin ang proteksyon at ayuda sa mga guro at estudyante na mahahawa ng COVID-19.

Ikinatwiran ni Pangilinan na ito ay bilang sukli sa napakaraming sakripisyo ng mga guro para magpatuloy ang edukasyon kahit na ngayong may pandemya.

Mensahe ito ni Pangilinan, kasunod ng report na tinamaan ng COVID-19 ang 11 public school teachers makaraang mamigay ng educational modules sa Ilagan City, Isabela.


Base sa report, nagpositibo rin sa virus ang 13-taong gulang na estudyanteng lalaki na tumanggap sa nasabing mga module.

Diin ni Pangilinan, kailangan ng mabilis na pagkilos upang maagapan ang sitwasyon at mapigil ang pagkalat ng sakit sa mga komunidad habang nagpapatuloy ang distance learning.

Dahil dito ay pinaalalahanan din ni Pangilinan ang mga guro na palaging sundin ng mahigpit ang health protocols para sa kaligtasan nila at ng mga estudyante laban sa COVID-19.

Facebook Comments