Nagpasalamat si ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran sa Philippine National Police (PNP) dahil sa agarang pagtugon ng pamahalaan na magtalaga ng mga pulis sa mga syudad at probinsya na magbabantay at magbibigay proteksyon sa media lalo na ngayong panahon ng eleksyon.
Ito ay kasunod na rin ng pagpaslang sa radio commentator na si Jaynard Angeles sa Tacurong City, Sultan Kudarat na tatakbo ring konsehal sa bayan ng Lambayong ngayong darating na halalan.
Nangangamba si Taduran na dahil malapit na ang halalan ay naiipit ngayon ang mga media workers sa karahasan at kaguluhan.
Tuwing election period aniya ay nahaharap sa banta, pressure at intimidation ang mga mamamahayag kaugnay sa kanilang trabaho.
Hindi na aniya dapat maulit ang nangyaring Maguindanao massacre at iba pang kahalintulad na karahasan sa media kaya kailangan ng proteksyon para sa paghahatid ng balita at katotohanan sa publiko.
Tiwala ang kongresista na ang pagtatalaga ng PNP focal person para sa siguridad ng media ay makakatulong upang maharang ang anumang karahasan laban sa mga media workers.