PROTESTA | ACT, INILAHAD ANG MGA HINAING NG MGA GURO SA BANSA

Manila, Philippines — Sinalubong ng isang buong araw na nationwide protest ng Alliance of Concerned Teachers ang pagsisimula ng balik-eskwela ngayong araw.

Pinasimulan ito ng grupo sa tinawag na ‘Teachers’ Sunrise Protest’ kaninang alas-4:00 ng umaga sa Mendiola, Maynila, upang ipakita ang anila’y kalunus-lunos na sitwasyon ng mga guro at mag-aaral sa school opening.

Sinundan ito ng pag-iikot sa mga pangunahing eskwelahan sa National Capital Region upang obserbahan at i-dokumento ang mga nararanasang problema sa unang araw ng klase.


Alas-3:00 ng hapon, muling pangungunahan ng ACT Philippines, kasama ng mga magulang, estudyante at iba pang organisasyon ang isang rally sa Morayta patungo sa Mendiola.

Sa maikling program ilalahad ng grupo sa Malacañang ang anila’y mga problema pa rin sa basic education system ng bansa kabilang na ang kakulangan ng mga pasilidad at personnel dahil sa implementasyon ng K to 12 program, maliit na sweldo at pati na ang epekto ng TRAIN law.

Maliban sa Metro Manila, may mga kasado ring pagkilos ang Alliance of Concerned Teachers sa mga opisina ng DepEd sa iba’t ibang rehiyon.

Facebook Comments