Protesta Inilunsad Laban sa Operasyon ng Bicol Light sa CamSur – CASURECO 3

Isang malaking protesta ang inilunsad sa Iriga City nitong nakaraang Sabado ng mga kawani ng iba’t-ibang Electric Cooperatives sa Camarines Sur. Ang hakbang na ito ay upang ipaabot ang kanilang pagsalungat sa pagpasok ng Bicol Light and Power Corporation na siyang tinutulak na mangangasiwa ng power distribution sa mga lugar na sakop ng CASURECO 3 – Rinconada area.
Ang pagpasok ng Bicol Light and Power Corporation ay suportado nina Congressman LRay Villafuerte ng Camarines Sur District 2 at Congressman Sal Fortuno ng District 5. Suportado rin ito ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte.
Una rito, ipinahayag na ni CASURECO 1 General Manager Ana Sylvia Alsisto, na siya ring Chairperson ng Task Force Duterte Rinconada Power, na bumubuti na ang pagpapatakbo ng CASURECO 3 mula nang ito ay hinawakan ng National Electrification Administration (NEA) nitong nakaraang taon. Idinagdag pa ni Alsisto na nagiging normal na ang takbo ng nasabing kooperatiba at hindi nararapat na ito ay panibagong hahawakan ng Bicol Light and Power Corporation na wala namang angkop na track record.
Matatandaan na nitong nakalipas na mga taon, naging mainit na rin ang usapin tungkol sa pag-operate ng Bicol Light and Power Corporation bilang energy distributor sa Kabikolan dahil sa pangambang tataas ang presyo ng elektrisidad bunsod ng pagiging pribado nito. – Ed Ventura & Grace Inocentes – RMN-DWNX 1611AM- Kuwarenta Y Singko



Facebook Comments