Cauayan City, Isabela- Hindi na pina-admit sa Provincial Hospital ang isang batang babae na isinugod noon ng mga magulang matapos na abisuhan ng unang sumuring Doktor na dalhin ito sa naturang ospital.
Magugunita noong gabi ng April 14, 2020 nang dalhin sa Gov. Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital sa Lungsod ng Ilagan ang 11 taong gulang na si Andrea Taccad mula sa Tumauini, Isabela dahil sa hirap na itong makahinga.
Unang sinuri ng Doktor sa isang Clinic sa bayan ng Tumauini ang bata at nabatid na mayroon na itong severe Pneumonia kaya’t binigyan ng refferal letter na dalhin sa Provincial Hospital subalit nang sila’y makarating ay inabisuhan rin ang magulang na ideretso na ang bata sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Binawian din ng buhay ang bata nang maidala sa CVMC.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Information Officer ng Isabela Provincial government, dahil sa malalang kondisyon ng bata ay itinuring na itong COVID-19 suspect ng ospital.
Gayunman, nilinaw ni Atty. Binag na hindi na nagsagawa ng contact tracing at disinfection sa mga ospital at lugar na pinanggalingan ng pasyente dahil napag alaman din na wala itong sakit na COVID-19.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na ang nangyaring insidente.