PROYEKTO NG DPWH SA ENRILE, CAGAYAN, GUMUHO; MAYOR DECENA, MAGHAHAIN NG REKLAMO

Cauayan City – Maghahain ng pormal na reklamo si Mayor Miguel Decena Jr. ng Enrile, Cagayan laban sa mga responsable sa gumuhong pundasyon ng isang tulay na proyekto ng 3rd District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 02, na hindi pa nagagamit simula nang itayo.

Ayon kay Mayor Decena, personal niyang ininspeksyon ang tulay sa Barangay Alibago at nakita ang pagguho ng lupa at mga bitak sa kongkretong pundasyon nito.

Pinagpapaliwanag niya ngayon ang DPWH dahil ipinilit umano ang proyekto kahit na may abiso ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na “No Build Zone” ang lugar.


Ayon kay Decena, hinahanap niya ang detalyadong engineering design at feasibility study ng proyektong ito, pero hindi ito maibigay ng DPWH sa kanya.

Dagdag pa niya, ang P200-M pondo para dito at ang P432-M para sa Right of Way ay hindi pa rin malinaw kung saan napunta.

Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang tulay para sa kaligtasan ng mga motorista at pinayuhan din ang mga residente at biyahero na gamitin ang alternatibong ruta sa service road malapit sa flood control sa lugar.

Samantala, magkakaroon ng pulong ang DPWH, Lokal na Pamahalaan ng Enrile, at Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang suriin ang kondisyon ng tulay at tiyakin kung ligtas itong magamit.

Facebook Comments