Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipahahawak niya sa militar ang operasyon ng water distribution sa Metro Manila.
Ito ay kung hindi maaayos ang isyu sa kontrata ng Maynilad at Manila Water.
Babala ng Pangulo – handa niyang ipasuspinde ang privilege of writ of habeas corpus para maipakulong ang mga may-ari ng mga water concessionaire.
Binakbakan din ng Pangulo ang mga water concessionaire dahil sa banta nilang magtataas sila ng singil sa tubig dahil sa pagbawi ng extension agreement.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo – abogado si Pangulong Duterte at nakita nito na labag sa batas ang concession agreement.
Dapat aniya na malaman ng mga water concessionaire na hindi aatras ang Pangulo sa kanyang tungkulin sa konstitusyon na ipatupad ang batas at hindi rin siya papayag sa areglo.
Bago ito, pumayag ang Maynilad at Manila Water na magkaroon ng negosasyon sa kinukwestyong kontrata.
Base sa sulat ng Maynilad sa Malacañang, handa silang makipagtulungan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na pag-aralan at amyendahan ang concession agreement dahil hangad nilang magbigyan ng abot-kayang serbisyo ang publiko.
Sa panig ng Manila Water, tiniyak nilang hindi na nila sisingilin ang gobyerno ng 7.39 billion pesos na arbitral award.
Ipagpapaliban na rin nila ang pagpapatupad ng taas-singil sa tubig.