PRRD, ipinagtanggol si NCRPO Chief Eleazar

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Major General Guillermo Eleazar.

Ito ay matapos umani ng batikos si Eleazar dahil sa kanyang pagsilakbo sa isang nahuling pulis dahil sa extortion.

Ayon kay Pangulong Duterte – wala siyang nakikitang mali sa ginawa ni Eleazar sa “kotong cop”.


Aniya, nararapat lamang na gawin iyon ng NCRPO chief lalo at marami pa ring pulis ang gumagawa ng ilegal na gawain.

Nabatid na kinwelyuhan, dinuro at minura ni Eleazar si Police Corporal (PO2) Marlo Quibete mula sa Eastern Police District (EPD) Drug Enforcement Unit (DEU) dahil sa pangingikil sa pamilya ng isang drug suspect.

Una nang humingi ng paumanhin si Eleazar sa kanyang ginawa sa pulis at iginiit na hindi siya nakapagtimpi at inilabas ang kanyang emosyon.

Ipinag-utos na rin ni Eleazar ang pagsibak sa mga pinuno ng Pasay Police at ng EPD dahil sa pagkakasangkot ng kanilang mga tauhan sa tangkang extortion.

Facebook Comments