Ipinaalala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping na hindi dapat nag-aaway ang mga magkaalyadong bansa.
Ito ay sa gitna na rin ng tensyon sa pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo – iniakyat na ng Pangulong Duterte ang sitwasyon sa Pag-asa Island kasabay ng pagpupulong nilang dalawa ni President Xi sa ikalawang Belt and Road Forum.
Maaalalang dumarami ang presensya ng Chinese vessels malapit sa isla.
Idinagdag pa ni Panelo – nagkasundo sina Duterte at Xi na resolbahin ang sitwasyon sa pamamagitan ng mekanismo ng bilateral negotiations.
Hindi naman nabanggit ni Panelo kung tinalakay sa pulong ang 2016 arbitral ruling na nagbabasura sa pag-aangkin ng Beijing sa West Philippine Sea.