Manila, Philippines – Pinayuhan ni House Minority Leader Danilo Suarez si Pangulong Duterte na pumili ng Speaker na maayos na makakatrabaho sa natitira nitong tatlong taong termino.
Ayon kay Suarez, mas naaalala ng publiko ang huling termino nito kumpara ang mga nagawa sa mga unang taon ng pamamahala.
Dahil dito, mahalagang makapili si Pangulong Duterte ng Speaker na makakasundo nito at mailalatag ang mga legislative agenda ng pamahalaan na mag-iiwan ng tatak sa mamamayan.
Aminado naman si Suarez, na sakaling magbaba ng marching order si PRRD ay mababago pa ang susuportahang Speaker ng mga kongresista.
Samantala, sinabi naman ng isang source na pabirong hiniling ni Pangulong Duterte kay Speaker Gloria Arroyo sa Thanksgiving ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na ito na ang mamili ng susunod na Speaker ng 18th Congress sa pagitan nila Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez, Marinduque Representative Lord Allan Velasco at Taguig City Representative Alan Peter Cayetano.
Pabiro pang itinatali ni Pangulong Duterte ang kamay ni GMA na nakunan pa ng litrato para makapag-commit ito sa pagpili ng susunod na Speaker.