PSA: Bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa nitong December 2023, bumaba

Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa nitong December 2023.

Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, batay sa resulta ng Labor Force survey, pumalo sa 1.60 milyong Pinoy na edad kinse pataas ang walang trabaho sa bansa nitong Disyembre na katumbas ng 3.1 percent.

Bahagya itong bumaba kumpara sa naitalang 3.6 percent o nasa 1.83 milyong Pinoy noong November 2023.


Ito na ang pinakamababang unemployment rate simula pa taong 2005.

Samantala, bahagya naman tumaas ang underemployment rate o mga indibidwal na may trabahong kulang ang kinikita sa sweldo o kaya mga trabahong hindi nakabatay sa kanilang tinapos o skills.

Umakyat ito ngayon sa 11.9 percent mula sa 11.7 percent noong Nobyembre 2023.

Habang tumaas din ang bilang ng mga may trabaho na nasa 50.52 million nitong Disyembre mula sa 49.64 million noong November 2023.

Samantala, mas mataas ang labor force participation rate ng mga lalaki na nasa 77 percent kumpara sa mga babae na nasa 56.3 percent.

Sinabi ni Mapa na ito ay bunsod na rin ng pagtaas ng construction at craft and related trade workers ngayong holiday season.

Facebook Comments