PSSLAI agent, inaresto ng PNP-IMEG dahil sa pangingikil sa police applicant sa Taguig City

Huli ang isang agent ng Public Safety Savings and Loan Association Incorporated (PSSLAI) sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa Taguig City.

Kinilala itong si Evelyn Aleman, 35-anyos na nahuli ng mga miyembro ng PNP-IMEG sa harap ng Department of Science and Technology (DOST) sa kahabaan ng Gen. Santos Avenue, Upper Bicutan sa Taguig City, kahapon ng umaga.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, isinagawa ang entrapment operation laban sa suspek matapos na mag-demand ng P50,000 sa isang PNP applicant para makapasa sa Neuro Psychiatric Exam.


Na-monitor din ng PNP Anti-Cyber Crime group na modus ni Aleman ay mag-offer ng assistance para sa PNP recruitment applicants sa pamamagitan ng kaniyang Facebook kapalit ang P50,000.

Pinagmamalaki raw ng suspek na may kilala siya sa PNP Health Service na isang doktor at may ranggong Police Colonel.

Nakuha sa suspek sa ikinasang operasyon ang dalawang piraso ng P1,000 mark money at 28 na piraso ng P1,000 boodle money.

Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa PNP-IMEG lock-up facility sa Camp Crame at mahaharap na sa kasong robbery-extortion.

Panawagan naman ni General Eleazar sa mga PNP applicant na kapag may nag-offer sa kanila ng assistance para sa recruitment process ay agad isumbong sa kanila.

Facebook Comments