Public Assistance Command Center ng Balik Eskwela ng DepEd, bumaba na ang bilang ng tumatawag

Bumaba na ang tumatwag sa Public Assitance Command Center o PACC para sa Balik Eskwela ng Department of Education (DepEd), isang araw makalipas ang pagbubukas ng School Year 2020-2021.

Ayon kay DepEd Undersecretary Jess Mateo, magandang indikasyon ito dahil ibig sabihin lang aniya nito na natutugunan na ang mga tanong at iba pang concern kaugnay sa pagbubukas ng klase ngayong taon sa ilalim ng distance learning.

Aniya na mula noong June, kung saan unang buwan na ipinatupad ang PACC, halos nasa 500 hanggang 600 ang tumatawag araw-araw dito pero kahapon, umabot na lang ito ng 99 na tawag.


Karamihan sa mga itinatawag ay tungkol sa late enrollment at katanungan kaugnay sa paglipat sa pampublikong paaralan mula private school.

Aniya, hindi lang naman sa DepEd Central Office ang command center, mayroon din ito sa regional at provincial offices sa buong bansa, kaya doon pa lang ay natutugunan na ang mga isyu na idinudulog sa kanilang command center.

Sinabi naman nito na hanggang sa Biyernes ng linggong ito mag-ooperate ang naturang command center ng DepEd.

Kahapon, pormal nang binuksan ng DepEd ang School Year 2020-2021 sa bansa, kung saan tinawag nila itong naging isang matagumapay dahil magpapatuloy ang pag-aaral ng mga bata sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments