Public Market ng Alicia, Balik Normal na

Cauayan City, Isabela- Magbubukas na muli ngayong araw, September 8, 2020 ang public Market ng Alicia matapos ipasara kahapon, September 7, 2020 dahil sa ginawang paglilinis at disinfection sa naturang pamilihan.

Ito’y matapos magtala ng sunod-sunod na kaso ng COVID-19 ang naturang bayan na ngayo’y may total cases na tatlumpu (30) kung saan 13 dito ay active cases.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Joel Alejandro, kanyang sinabi na napagkasunduan na ng kanilang lokal IATF na sa darating na Lunes ay ibabalik na ang dating schedule ng bawat barangay para sa pagpunta sa palengke.


Nitong mga nagdaang buwan ay naging epektibo naman aniya ang kanilang ginawang pag schedule sa palengke kung saan na-contain ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sinabi pa ni Mayor Alejandro na kung nakumpirma na may local transmission sa lugar ay agad na idinedeklara ang lockdown upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng virus.

Pakiusap naman ng alkalde sa mga kababayan na sumunod sa mga health protocols para makaiwas laban sa COVID-19.

Nakakaalarma kasi aniya ang biglaang pagdami ng kaso ng COVID-19 dahil sa local transmission na nangyayari din sa mga karatig nitong bayan.

Facebook Comments