Cauayan City, Isabela- Target ng lokal na pamahalaan ng Dinapigue na tapusin sa Disyembre ng kasalukuyang taon ang ipinapatayong public market ng nasabing bayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Reynaldo Derije ng Dinapigue, nagpapatuloy aniya ang konstruksyon ng kanilang bagong palengke matapos ang ground breaking ceremony nito noong ika-17 ngayong buwan ng Hunyo.
Mayroon aniya itong pondo na aabot sa P40-milyong piso na kung saan napakalaking tulong ito para sa mga mamamayan ng Dinapigue dahil hindi na nila kinakailangan pang magtungo sa ibang bayan upang mamili o magbenta ng kanilang mga produkto.
Ibinahagi rin ng alkalde na wala ng gaanong problema sa mga pangunahing kalsada dahil tanging ang boundary na lamang ng Dilasag at Dinapigue ang hindi pa sementado.
Samantala, pinapaalalahanan ng alkalde ang mga nais mamasyal sa mga tourist spots ng Dinapigue na sumunod lamang sa ipinatutupad na health and safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lugar.
Sa kasalukuyan, mula sa datos ng DOH Region 2 ngayong araw, Hunyo 28,2021, nasa apat (4) na lamang ang natitirang aktibong kaso ng COVID-19 sa nasabing bayan.