
Mas dinarayo na ng publiko ang murang produkto na alok sa Kadiwa ng Pangulo sa Bureau of Plant Industry (BPI) sa Maynila.
Partikular ang bigas nasa P33, P35, at P43 na lamang ang kada kilo depende sa antas ng broken na kahalong bigas.
Bukod sa murang bigas, patok pa rin ang ibinebentang mga gulay, rekado, isda, at karne.
Isa sa nakahahatak ng mamimili ay ang mga freebie na alok ng Kadiwa sa bawat mamimili kung saan ang makabibili ng gulay na mula P100-P199 ang halaga ay may libreng kalahating kilong asin o kaya ay 1/4 na sayote o kalabasa.
Magiging isang kilong asin o kalahating kilo ng piling gulay naman kung bibili ng hanggang P299.
Kung P300 hanggang P499 ang bibilhing gulay, may libreng isang kilo ng saging na saba o kaya ay pipino.
Sa mga bibili ng P1,000 halaga ng gulay, may libreng kalahating kilo ng okra, kalahating kilo ng kalamansi, at isang kilo ng saba o iba pang produkto.
Bukas ito mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon kung saan pinaglaanan ito ng sariling pwesto sa gilid ng San Andres St. malapit sa kanto ng Taft at Quirino Avenue.