Publiko, hinikayat na subaybayan sa online ang pagdinig sa Economic Charter Change

Hinimok ni Committee on Local Government Vice Chairman at Isabela Rep. Faustino “Inno” Dy ang publiko na subaybayan ang pagdinig sa online ng Charter Change.

Ayon kay Dy, ang amyenda sa Konstitusyon ay dedesisyunan ng 60 milyong botante sa bansa sa pamamagitan ng plebesito na isasabay sa 2022 elections kaya dapat lamang na subaybayan ng mamamayan ang takbo ng pagdinig ng Kamara sa Economic Cha-Cha.

Paliwanag ni Dy, ito ay para matimbang at ma-assess ng husto ng taumbayan ang “pros and cons” ng pag-rebisa ng tatlong dekada ng Konstitusyon.


Sinabi pa ng kongresista na makapangyarihan ang paggamit sa mga online platforms dahil mapapakinggan ng publiko ang buo at unfiltered na debate at mga argumento sa Economic Cha-Cha.

Bukod dito ay maaari pang mabalikan ng publiko ang mga video streams sa YouTube at Facebook accounts ng House of Representatives kung hindi nila ito mapapanood sa livestreamings.

Bukas ng umaga ay sisimulan na ng Committee on Constitutional Amendments na pinamumunuan ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ang pagdinig sa Charter Change kung saan nauna nang tiniyak ng komite na tanging economic provisions patungkol sa foreign ownership at investment lamang ang gagalawin.

Facebook Comments