*Cauayan City, Isabela-* Muling pinag-iingat ang publiko sa modus operandi ng mga budol-budol gang na gumagala sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Isabela lalo na ngayong kapaskuhan na sinasamantala ng mga kawatan.
Una nang naiulat ang modus ng apat na katao sa Nueva Vizcaya na nagpapakilalang kakilala ng mga ito ang kamag-anak ng kanilang bibiktimahin hanggang sa makuha nila ang loob nito at malimas ang kanilang pera‘t alahas.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj.Ferdinand Laudencia, hepe ng PNP Solano, sinabi niya na ginagalugad na nila ang mga hotel at iba pang establisyimento na posibleng tinutuluyan ng mga ito.
Kahapon lamang ay nambiktima muli ang apat na kawatan sa isang Cakeshop sa Lungsod ng Cauayan kung saan ay nalimas ng mga ito ang pera ng shop at ATM ng nakatokang cashier.
Inalerto naman ni P/Col.Mariano Rodriguez, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), ang bawat hanay ng kapulisan para mahuli ang mga kawatan na miyembro ng budol-budol.